Bungad > Uncategorized > mula sa karanasan tungo sa pagbabago

mula sa karanasan tungo sa pagbabago


(para sa mga nagtatanong kung ano ang gagawin sa final requirement sa klase)

tinatalakay na sa simula pa lang ng klase ang paggawa ng isang sociological paper na dapat i-submit bilang pangunahing requirement sa klase. ginagawa ito matapos matalakay ang iba’t ibang sociological perspective at paggawa ng isang research paper gamit ang maka-Pilipinong pamamaraan.

pangunahing mga paksain ng pag-aaral ang anumang isyung may kaugnayan sa kaganapang panlipunan. (kahirapan, ‘di pagkapantay-pantay, pamilya sa kariton atbp) mungkahing isagawa ang pagkalap ng datos sa maagang panahon upang mas maging mainam ang pagsasagawa ng maka-Pilipinong pananaliksik. maaaring gamitin ang alinman sa mga sumusunod na lapit sa pagkalap ng kinakailangang ng datos:

Pakikipagkwentuhan – sa pamamagitan ng pakikipagkwentuhan sa isang umpukan, makakukuha ng datos na payak at tunay na galing sa karanasan ng mga kapawa mananaliksik.

Panunuluyan – sa pamamagitan ng tunay na pagtuloy o pagtira sa bahay ng mga kalahok sa pananaliksik ay madali ring makakakalap ng mga datos para sa pananaliksik

Pagdalaw-dalaw – may mga pagkakataong hindi kayang gawin ng mananaliksik ang pagtira sa mga kapwa mananaliksik ngunit hindi nangangahulugang hindi na makakalap ng mahahalagang datos, maaaring gawin din ang pagdalaw-dalaw o pagpunta-punta sa paksa ng pag-aaral.

Pagtatanung-tanong – ginagawa rin ang pagtatanungtanong sa pagkalap ng mahahalagang kaalaman subalit sa ganitong lapit, hindi kailangang direktang itanong ang mga nakahandang katanungan kung meron man. ang ginagawa rito ay pagtatanung-tanong mula rin sa mga kaisipang lumulutang habang nasaumpukan.

Pakikiramdam – sa maraming pagkakataon, hindi kaagad-agad nakapagbubulalas ng nilalaman ng kalooban ang mga tao sa mga taong hindi kakilala. Ito ang kinikilala sa pakikiramdam. Kailangang gamitin ang pakiramdam ng mananaliksik kung ang kapwa niya mananaliksik ay handa na o nasa yugto na ng “hindi ibang tao” bago magtanung-tanong.

Pakapa-kapa – sa ganitong pamamaraan, ang lahat ng datos ng mananaliksik ay mula sa kapwa mananaliksik. Hindi kinakailangang mayroon na silang kaalaman sa pag-aaralan bago magtungo at gumawa ng pananaliksik.

layunin ng sociological paper na ito ang paggamit sa mga teoryang natutunan ng mga mag-aaral mula sa apat na sulok ng silid-aralan upang mabatid kung may kawastuan pa ito o hindi na kasama ang usapin ng pagtulong sa mga mas nangangailangan na hindi sila tinitingnan bilang mga simpleng subject lamang sa pag-aaral kundi mga kapwa mananaliksik.

matapos makalap ang mga karanasan ng mga kalahok sa pananaliksik, kailangan itong suriin gamit ang alinman sa perspektibang sosyolohikal. lubos na mahalagang maipakita sa papel ang karanasan ng mga kapwa mananaliksik, ang pagsusuri sa kanilang kalagayan sa isang sosyolohikal na paraan at higit sa lahat kung paano nakatulong ang mananaliksik sa kapwa mananaliksik. mahalaga ring magbigay ng mungkahi hinggil sa kanilang kalagayan at kung paanong ang mga tulad nila ay matutulungan para sa pagkakaroon ng isang matiwasay na lipunan at bukas. Sa pangkalahatan, ito ang nilalaman ng Service-Learning kung saan ginagamit ang karanasan sa paglilingkod bilang mahalagang pinaghahalawan ng panibagong mga kaalaman patungo sa pagbabago.

Mga Kategoriya:Uncategorized
  1. Walang puna.
  1. No trackbacks yet.

Mag-iwan ng puna