Iimbak

Archive for Setyembre, 2012

mula sa karanasan tungo sa pagbabago

17/09/2012 Mag-iwan ng puna

(para sa mga nagtatanong kung ano ang gagawin sa final requirement sa klase)

tinatalakay na sa simula pa lang ng klase ang paggawa ng isang sociological paper na dapat i-submit bilang pangunahing requirement sa klase. ginagawa ito matapos matalakay ang iba’t ibang sociological perspective at paggawa ng isang research paper gamit ang maka-Pilipinong pamamaraan.

pangunahing mga paksain ng pag-aaral ang anumang isyung may kaugnayan sa kaganapang panlipunan. (kahirapan, ‘di pagkapantay-pantay, pamilya sa kariton atbp) mungkahing isagawa ang pagkalap ng datos sa maagang panahon upang mas maging mainam ang pagsasagawa ng maka-Pilipinong pananaliksik. maaaring gamitin ang alinman sa mga sumusunod na lapit sa pagkalap ng kinakailangang ng datos:

Pakikipagkwentuhan – sa pamamagitan ng pakikipagkwentuhan sa isang umpukan, makakukuha ng datos na payak at tunay na galing sa karanasan ng mga kapawa mananaliksik.

Panunuluyan – sa pamamagitan ng tunay na pagtuloy o pagtira sa bahay ng mga kalahok sa pananaliksik ay madali ring makakakalap ng mga datos para sa pananaliksik

Pagdalaw-dalaw – may mga pagkakataong hindi kayang gawin ng mananaliksik ang pagtira sa mga kapwa mananaliksik ngunit hindi nangangahulugang hindi na makakalap ng mahahalagang datos, maaaring gawin din ang pagdalaw-dalaw o pagpunta-punta sa paksa ng pag-aaral.

Pagtatanung-tanong – ginagawa rin ang pagtatanungtanong sa pagkalap ng mahahalagang kaalaman subalit sa ganitong lapit, hindi kailangang direktang itanong ang mga nakahandang katanungan kung meron man. ang ginagawa rito ay pagtatanung-tanong mula rin sa mga kaisipang lumulutang habang nasaumpukan.

Pakikiramdam – sa maraming pagkakataon, hindi kaagad-agad nakapagbubulalas ng nilalaman ng kalooban ang mga tao sa mga taong hindi kakilala. Ito ang kinikilala sa pakikiramdam. Kailangang gamitin ang pakiramdam ng mananaliksik kung ang kapwa niya mananaliksik ay handa na o nasa yugto na ng “hindi ibang tao” bago magtanung-tanong.

Pakapa-kapa – sa ganitong pamamaraan, ang lahat ng datos ng mananaliksik ay mula sa kapwa mananaliksik. Hindi kinakailangang mayroon na silang kaalaman sa pag-aaralan bago magtungo at gumawa ng pananaliksik.

layunin ng sociological paper na ito ang paggamit sa mga teoryang natutunan ng mga mag-aaral mula sa apat na sulok ng silid-aralan upang mabatid kung may kawastuan pa ito o hindi na kasama ang usapin ng pagtulong sa mga mas nangangailangan na hindi sila tinitingnan bilang mga simpleng subject lamang sa pag-aaral kundi mga kapwa mananaliksik.

matapos makalap ang mga karanasan ng mga kalahok sa pananaliksik, kailangan itong suriin gamit ang alinman sa perspektibang sosyolohikal. lubos na mahalagang maipakita sa papel ang karanasan ng mga kapwa mananaliksik, ang pagsusuri sa kanilang kalagayan sa isang sosyolohikal na paraan at higit sa lahat kung paano nakatulong ang mananaliksik sa kapwa mananaliksik. mahalaga ring magbigay ng mungkahi hinggil sa kanilang kalagayan at kung paanong ang mga tulad nila ay matutulungan para sa pagkakaroon ng isang matiwasay na lipunan at bukas. Sa pangkalahatan, ito ang nilalaman ng Service-Learning kung saan ginagamit ang karanasan sa paglilingkod bilang mahalagang pinaghahalawan ng panibagong mga kaalaman patungo sa pagbabago.

Mga Kategoriya:Uncategorized

TUA is GREEN . . . Ako ay IN!

11/09/2012 Mag-iwan ng puna

Isang napakainit na usapin sa kasalukuyan ng pangangalaga sa kalikasan – usaping hindi maitatangging malaki ang kaugnayan sa ating buhay at kabuhayan. Sa larangan ng akademya, iba’t ibang subject ang tumatalakay rito gaya ng Ecology, Environmental Science, Environmental Communication, Environmental Sociology at kung anu-ano pa. Isang malinaw na katibayang patuloy at lalo pang nililinang ng akademya sa antas teyoretikal ang pagiging mapagmahal at mapangalaga sa kalikasan.

Bawat isa sa atin ay malinaw na bahagi ng mundo – may tungkuling ginagampanan upang maisaayos o sirain ang kalikasan. Isa sa pangunahing kadahilanan kung bakit tumaas ang antas ng kamulatan sa kalagayan ng kalikasan ay dahil na rin sa pinsala sa sambayanan bunga ng kalikasan. Mistula bagang naniningil ang kalikasan sa kapinsalaang gawa ng tao sa kanya.

Lubhang napakarami na ng maaaring sabihing kasalanan ng tao sa kalikasan gaya ng mga sumusunod: 1. ang simpleng pagtatapon ng iba’t ibang uri ng basura kung saan-saan na maaaring magdulot ng pagbabara ng mga daluyan ng tubig; 2. ang walang habas na pagputol ng mga puno sa kabundok na nagdudulot ng malawakang pagbaha sa kapatagan; 3. ang malawakang pagmimina ng mga likas na yaman ng bansa na nagdudulot ng pagpatag o pagbutas sa mga kabundukan na maaari ring magdulot ng pagbabaha at pagkalason mula sa mga kemikal na ginagamit dito; 4. ang kawalan ng plano ng pamahalaan hinggil sa pagpapatayo ng pabahay kung saan-saan na nagdudulot ng di mabilang na kalamidad; 5. ang kawalan ng maayos na imprastraktura hinggil sa tamang daluyan ng tubig patungo sa karagatan; 6.ang pagiging makasarili na iniiisip lamang ang kung paano kikita ng kamal-kamal na salapi kahit na isaalang-alang kaligtasan ng maraming mamamayan at ng kalikasan; 7. ang patuloy na paggamit ng mga bagay na may masamang epekto sa kalikasan; 8. ang kawalan ng disiplina ng marami nating mamamayan; at marami pang ibang mga kaganapang patuloy na sumisira sa ating kinabukasan. Hindi lamang tayo ang nakararanas nito. Suliranin din ito maging ng maga malalaki at mayayamang bansa. Isang pagpapatunay na lahat ng naririto sa daigdig ay dapat gumawa ng hakbang upang muling ibalik ang dating ningning ng kalikasan o kung hindi man, ay magawa nating pantay ang lahat.

Dapat isipin nating lahat na hindi sapat na alam lang natin kung ano ang dapat gawin. Hindi sapat na maituro lamang sa atin samantalang hindi naman natin gagawin – PRAXIS ‘ika nga. Sa programa nating TUA is GREEN, malinaw rito na maging sa ating paaralan, dapat nating gawin ang nararapat para sa ikapanunumbalik ng kaayusan hinggil sa kalikasan at ikagaganda ng buhay ngayon at sa darating na bukas. Umasa tayong maraming mga pagbabago ang magaganap sa ating pamantasan hindi dahil sa nakikiuso lamang tayo kundi ito ay isang pangangailangan dahil ang Trinitian ay may puso at damdamin para sa kalikasan at kinabukasan. Nananawagan ako sa ating lahat na sama-sama natin itong gawin hindi lamang para sa atin kundi lalo’t higit para sa mga susunod na salinlahi. Manindigan tayo, kumilos at gawing TUA is GREEN at sabihing AKO ay IN!